Pinaigting ng EcoWaste Coalition ang kanilang kampanyang “No to Single-Use Plastics” habang papalapit ang pagbubukas ng klase, kasabay ng panawagan sa mga paaralan, mag-aaral, at mga magulang na gumamit ng mga reusable at environment-friendly na alternatibo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga sinabi ni Ochie Tolentino, Zero Waste Campaigner ng EcoWaste Coalition, na mahalagang mabawasan ang paggamit ng mga disposable plastic products tulad ng plastic bags, sachets, straw, at iba pang mga gamit na agad nagiging basura matapos gamitin.
Ayon kay Tolentino, ang pagbubukas ng klase ay magandang pagkakataon upang itaguyod ang mga napapanatiling gawain sa loob at labas ng paaralan, kabilang ang paggamit ng reusable water bottles, lunch containers, at eco-bags.
Binigyang-diin din ng grupo ang kahalagahan ng tamang segregasyon ng basura at pagpapatupad ng mga programang naglalayong mabawasan ang dami ng plastic waste na napupunta sa mga landfill, estero, at karagatan.
Kasabay nito, muling nagpahayag ng pagtutol ang EcoWaste Coalition sa mga Waste-to-Energy (WTE) projects. Ayon sa grupo, sa halip na magsunog ng basura upang makalikha ng enerhiya, mas mainam umanong palakasin ang mga programa sa waste reduction, recycling, composting, at reuse upang matugunan ang problema sa solid waste.
Iginiit ni Tolentino na ang pangmatagalang solusyon sa suliranin sa basura ay nakasalalay sa pagbabawas ng nalilikhang basura at hindi lamang sa paghahanap ng paraan upang itapon o iproseso ito.
Patuloy namang hinihikayat ng EcoWaste Coalition ang publiko na makiisa sa mga hakbang para sa pangangalaga ng kalikasan, lalo na ngayong nalalapit ang pagbubukas ng bagong school year.














