NAGBABALA ang Second Congressional Commission on Education (EDCOM2) matapos lumabas sa pinakahuling survey ng Department of Science and Technology–Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI) na nananatiling mataas ang bilang ng mga batang kulang sa nutrisyon sa bansa.

Batay sa resulta ng 2025 Updating Survey, nasa 25.3 porsyento o katumbas ng isa sa bawat apat na batang limang taong gulang pababa ang nakararanas ng stunting o mabagal na paglaki dulot ng kakulangan sa wastong nutrisyon.

Ayon sa EDCOM2, isa itong seryosong usapin sa kalusugan ng publiko dahil sa patuloy na mataas na bilang ng mga batang apektado ng malnutrisyon.

Ipinaliwanag ng komisyon na ang epekto ng kakulangan sa nutrisyon ay hindi lamang nakikita sa pisikal na paglaki ng mga bata. Maaari rin itong makaapekto sa kanilang pag-unlad ng pag-iisip, kakayahang matuto, at kahandaan sa pagpasok sa paaralan.

Advertisement

Dahil dito, iginiit ng EDCOM2 na ang krisis sa edukasyon ng bansa ay nagsisimula pa bago pa man makapasok ang isang bata sa loob ng silid-aralan.

Lumabas din sa survey na higit na naaapektuhan ng problema ang mga mahihirap at bulnerableng komunidad, kung saan mas maraming bata ang nakararanas ng kakulangan sa pagkain at sapat na nutrisyon.

Nanawagan naman ang komisyon sa pamahalaan at iba pang sektor na palakasin pa ang mga programa sa nutrisyon at maagang pag-unlad ng mga bata upang mabigyan sila ng mas magandang pagkakataon para sa malusog na paglaki at matagumpay na pag-aaral.

Advertisement