Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa 70th session ng United Nations Commission on the Status of Women sa New York City na ang edukasyon ng kababaihan ay dapat maging prayoridad ng bawat bansa, dahil ito ay nagpapatibay ng pamilya, nag-aangat ng komunidad, at nagpapalawak ng posibilidad ng buong bansa.
Binanggit ng Pangulo na ang kababaihang Pilipino ay patuloy na humuhubog sa demokrasya, ekonomiya, at pambansang pagkakakilanlan ng bansa.
Gayunpaman, kinilala niya ang mga hamon na kinahaharap ng kababaihan, kabilang ang diskriminasyon, karahasan, at limitadong oportunidad. Binigyang-diin ni Marcos na ang tunay na pagkakapantay-pantay ay hindi lamang nakasalalay sa batas at institusyon kundi pati na rin sa pagbabago ng kaisipan at kultura.
Aniya, “Dapat naroroon ang kababaihan sa lahat ng lugar kung saan ginagawa ang mahahalagang desisyon – sa pamahalaan, negosyo, agham, diplomasya, at pagtataguyod ng kapayapaan. Handa ang Pilipinas na makipagtulungan sa lahat ng bansa upang isulong ang layuning ito.”
Kasama sa dalawang-araw na working visit ni Marcos sa Estados Unidos ang pakikipagpulong kay UN Secretary-General António Guterres bilang bahagi ng kanyang misyon sa New York.














