Ramdam na ng mga magsasaka at mangingisda ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Ernest Asence III Acting Agriculturist, Naga City, sinabi nito na direktang tumataas ang gastos sa produksyon dahil ang mga makinarya at kagamitan ng mga magsasaka ay nakadepende sa diesel at gasolina.

Binanggit na ang transportation cost ay isa sa pinaka-apektado, lalo na sa mga produktong mula sa malalayong lugar gaya ng gulay mula Benguet. May mga magsasaka ring nahihirapang makakuha ng suplay ng petrolyo dahil sa anti-hoarding policy ng Department of Energy na naglilimita sa pagbili ng hanggang 20 litro kada tao bawat araw.

Dagdag pa rito, inaasahang tataas din ang presyo ng abono at pestisidyo dahil 70% ng mga ito ay gawa mula sa petrolyo. Kung umabot sa ₱120 kada litro ang diesel, maaaring tumaas ang inflation ng bansa sa 8–10%, ayon sa mga ekonomista.

Advertisement

Upang maibsan ang epekto, nakatakdang magbigay ng fuel subsidy at Rice Farmers Financial Assistance (RFFA) ang Department of Agriculture. Gayunpaman, hindi lahat ng magsasaka ay makakatanggap dahil kailangan ng rehistradong makinarya at pagsali sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA).

Iminumungkahi rin ng City Agriculture Office ang balanced fertilization strategy – paggamit ng 50% organic at 50% synthetic fertilizers – upang mabawasan ang gastos. Bukod dito, nakikita rin ang potensyal ng solar-powered irrigation systems bilang alternatibong solusyon, bagama’t nangangailangan ito ng malaking puhunan.

Sa kabila ng mga hamon, naniniwala ang lokal na pamahalaan na ang krisis ay maaaring maging oportunidad upang makahanap ng mas matibay na solusyon.

Advertisement