Biglang naging sentro ng atensyon si Sen. Francis “Chiz” Escudero matapos siyang dumalo sa plenaryo ng Senado at tumulong para mabuo ang quorum, na nagbigay-daan sa muling pagbubukas ng sesyon matapos ang dalawang araw na pagkaantala dahil sa umano’y boycott ng ilang senador.

Dahil dito, naipagpatuloy ang proseso sa Senado at sa botohan, nahalal si Sen. Sherwin Gatchalian bilang bagong Senate leader, kapalit ni Sen. Loren Legarda.

Kinilala ng Malacañang ang nangyari sa pamamagitan ni Press Officer Undersecretary Claire Castro, at sinabi nitong naaayon ito sa batas at sa prinsipyo ng rule of law, habang iginagalang nila ang naging desisyon ng bagong mayorya.

Ang pangyayari ay nagbago sa takbo ng liderato sa Senado at nagbukas ng panibagong yugto sa gitna ng matagal nang tensyon sa pagitan ng mga bloke sa loob ng kapulungan. Nilinaw naman ni Escudero na hindi siya kumampi sa alinmang panig.

Advertisement

Sa halip ay nais lamang umano niyang bumalik na sa trabaho

“Hindi ito usaping pampulitika. Wala akong sinasamahan o iniiwanang grupo, pangkat o paksyon. Hindi ko sinasabi na may mali o tama o may nagkulang o nagmalabis kaninuman. Ngunit hindi pwedeng manatili tayo sa ganitong sitwasyon. Ang naaapektuhan na ay ang mismong kakayahan ng Senado na gampanan ang kaniyang tungkulin sa bayan. Ito ang rason at dahilan ng aking pasya ngayong araw na ito. Hinihiling ko ang inyong pag-unawa sa amin, kasabay ng inyong panalangin para sa inyong Senado na malampasan ang hamon na ito at patuloy na magampanan namin ang aming tungkulin sa inyo at sa sambayanan,” wika ni Escudero.

Advertisement