Nahaharap sa mga reklamong kriminal at administratibo si dating Department of Budget and Management o DBM Secretary Amenah Pangandaman kaugnay ng umano’y iligal na paglilipat ng bilyun-bilyong pisong pondo mula sa PhilHealth at Philippine Deposit Insurance Corporation o PDIC patungo sa National Treasury.
Inihain ni Dr. Tony Leachon ang reklamo sa Office of the Ombudsman laban kay Pangandaman para sa umano’y technical malversation, graft, at iba pang administratibong paglabag.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Leachon na dapat umanong managot si Pangandaman dahil sa umano’y papel nito sa pag-apruba at pagpapatupad ng kontrobersyal na paglilipat ng pondo habang siya pa ang kalihim ng DBM.
Kabilang sa tinutukoy sa reklamo ang umano’y paglilipat ng P60 billion sobrang pondo ng PhilHealth at P107 billion pondo ng PDIC sa National Treasury.
Ayon pa sa reklamo, bahagi umano si Pangandaman ng isang “concerted and coordinated governmental action” kaugnay sa implementasyon ng fund transfer mechanism na ngayon ay kinukuwestiyon.
Noong Disyembre ng nakaraang taon, ipinag-utos ng Korte Suprema sa pamahalaan na ibalik ang P60 billion sobrang pondo ng PhilHealth sa pamamagitan ng 2026 General Appropriations Act o GAA.
Sa desisyon ng Supreme Court En Banc, idineklarang unconstitutional at walang bisa ang ilang probisyon ng 2024 GAA at kaugnay na Finance Circular na naging basehan ng paglilipat ng pondo dahil umano sa grave abuse of discretion.
Nauna nang nagsampa si Leachon ng kaparehong reklamo laban kina dating Finance Secretary Ralph Recto, dating Budget Secretary Rolando Toledo, at ilang opisyal ng PhilHealth at PDIC kaugnay ng parehong isyu.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag si Pangandaman hinggil sa mga alegasyon.














