Inihayag ng dating opisyal ng DPWH na si Roberto Bernardo sa Sandiganbayan na nakatanggap umano siya ng kabuuang ₱130 milyon bilang “token of gratitude” mula kay dating kongresista Zaldy Co.
Sa kanyang kauna-unahang pagtestigo bilang state witness, sinabi ni Bernardo na ibinigay ang pera sa kanya mula 2023 hanggang 2025, na dumaan umano kina dating District Engineer Henry Alcantara at Regional Director Gerald Pacanan.
Ayon kay Bernardo, ang ₱100 milyon ay ipinadaan kay Alcantara habang ang ₱30 milyon naman ay dumaan kay Pacanan, na parehong umano’y bahagi ng “balato” mula kay Co.
Ipinaliwanag niya na ang naturang halaga ay pasasalamat umano sa pagtiyak na maayos ang koordinasyon sa mga opisyal ng DPWH.
Kaugnay ito ng kasong malversation na kinahaharap ng 16 na indibidwal, kabilang si Co at ilang dating opisyal ng DPWH, hinggil sa umano’y substandard na proyekto sa Oriental Mindoro.
Samantala, mariing itinanggi ni Co ang mga paratang na may kinalaman siya sa mga umano’y kickback sa mga proyektong pang-imprastraktura ng gobyerno.














