Inihayag ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na pitong senador pa lamang ang lumagda sa partial committee report ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects.

Ayon kay Lacson, na siya ring chairman ng komite, ang pinakahuling pumirma sa report ay si Sen. Raffy Tulfo, na nagdagdag sa kabuuang bilang ng mga lumagda.

Kabilang sa mga pumirma ang mga senador na sina Erwin Tulfo, Risa Hontiveros, Paolo “Bam” Aquino IV, Francis “Kiko” Pangilinan, Raffy Tulfo, Senate President Vicente “Tito” Sotto III, at si Lacson.

Gayunman, sinabi ni Lacson na kulang pa ito sa kinakailangang siyam na lagda upang maisalang sa plenaryo ang committee report, alinsunod sa umiiral na rules ng Senado.

Advertisement

Sa kanyang privilege speech, iginiit niya na halos tatlong buwan nang nakabinbin ang naturang ulat at na-validate na umano ang mga nilalaman nito.

Dagdag pa niya, nabigyan na ang bawat miyembro ng sapat na panahon upang repasuhin ang mahigit 400 pahinang dokumento at magmungkahi ng mga pagbabago kung kinakailangan.

Iginagalang naman ni Lacson ang desisyon ng ilang senador na hindi pumirma, bagama’t hindi siya sumasang-ayon sa kanilang naging hakbang.

Samantala, ipinaliwanag ni Sen. Rodante Marcoleta na hindi siya lumagda dahil sa isyu ng proseso at dokumentong kanyang natanggap, ngunit nilinaw ni Lacson na ang orihinal na kopya ng report ay may pirma na nito at ang digital copy ang opisyal na ipinadala sa mga miyembro.

Advertisement