Photo©web

Mananatiling nakadetine sa The Hague ang dating Pangulong Rodrigo Duterte habang hinihintay ang pagsisimula ng kanyang paglilitis sa kasong crimes against humanity, ayon sa International Criminal Court (ICC).

Ayon sa desisyon ng ICC Trial Chamber III, hindi sapat ang mga argumento ng depensa tungkol sa kalusugan ni Duterte upang baguhin ang naunang findings ng court-appointed medical experts.

Giit ng korte, walang bagong ebidensya o malaking pagbabago sa kondisyon ng kalusugan ng dating pangulo na magbibigay ng basehan para sa pansamantalang paglaya.

Isinaalang-alang din ng ICC ang pagtanggi ni Duterte na kilalanin ang hurisdiksyon ng korte, na maaaring magpahiwatig na hindi siya susunod sa mga utos kung palalayain.

Advertisement

Dagdag pa ng ICC, may “real and substantial risk” na maaari siyang tumakas o hadlangan ang proseso ng hustisya dahil sa kanyang impluwensya at koneksyon.

Binigyan din ng korte ng pahintulot ang depensa na hindi muna dumalo si Duterte sa unang status conference na nakatakda sa Mayo 27, basta’t magsusumite ng pormal na kahilingan.

Ang nasabing pagdinig ay tututok sa iskedyul ng paglilitis, ebidensya, at iba pang paghahanda para sa kaso.

Nauna nang kinumpirma ng ICC Pre-Trial Chamber I ang mga kaso laban kay Duterte kaugnay ng umano’y mga pagpatay sa kampanya kontra droga noong siya ay alkalde ng Davao City at kalaunan ay pangulo ng Pilipinas.

Advertisement