Nanawagan si Senate President Sherwin Gatchalian sa mga magulang at lokal na pamahalaan na mas aktibong makibahagi sa pagpigil sa tumitinding karahasan sa mga paaralan sa pamamagitan ng mahigpit na pagpapatupad ng Parent Effectiveness Service (PES) Program.

Inihayag ito ni Gatchalian kasunod ng insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City na kinasasangkutan ng mga menor de edad. Batay sa pinakahuling ulat, apat na ang nasawi habang ilan pa ang nasugatan sa naturang insidente.

Binigyang-diin ng Senate President ang pangangailangang masuri kung paano nagkaroon ng access sa mga baril ang mga menor de edad at kung bakit marunong na silang gumamit ng mga ito sa murang edad.

Ayon kay Gatchalian, mahalagang palakasin ang papel ng pamilya sa paghubog ng asal at pag-uugali ng mga kabataan upang maiwasan ang paglala ng karahasan sa loob at labas ng paaralan.

Advertisement

Tinukoy niya ang Parent Effectiveness Service Program na nakapaloob sa Republic Act No. 11908, isang batas na kanyang isinulong. Layunin nitong palawakin ang kaalaman at kakayahan ng mga magulang at parent-substitutes sa wastong paggabay, pagprotekta, at pagtataguyod ng karapatan ng mga bata.

Sa ilalim ng batas, inaatasan ang lahat ng lungsod at munisipalidad na ipatupad ang programa, habang ang Department of Social Welfare and Development o DSWD ang responsable sa pagbuo ng mga learning module na nakatuon sa child protection at positibong paghubog ng kabataan.

Naniniwala si Gatchalian na hindi lamang seguridad sa paaralan ang dapat pagtuunan ng pansin kundi pati ang wastong paggabay ng mga magulang sa loob ng tahanan.

“Kung seryoso tayong wakasan ang karahasan sa ating mga paaralan, kailangang magsimula ang solusyon sa loob ng ating mga tahanan,” ani Gatchalian.

Kasunod ng sunod-sunod na insidente ng pananaksak at pamamaril sa mga paaralan, lumalakas ang panawagan para sa mas malawak na pagtutulungan ng mga magulang, paaralan, at lokal na pamahalaan upang matugunan ang lumalalang problema ng karahasan sa mga kabataan.

Advertisement