NAGA CITY- Inaprubahan na ng pamunuan ng Univesity of Nueva Caceres (UNC) ang pagsusuot ng damit depende sa gender identity ng isang estudyante para sa kanilang graduation at pictorial.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Khian Jamer, presidente ng graduating class of 2021 sa naturang paaralan, sinabi nito na isa ang gender identity dress code sa mga concern na ipinaabot sa kanya ng LGBTQ community sa nasabing paaralan.
Aniya, nais umano ng samahan na sa oras ng kanilang pictorial at sa mismong araw ng kanilang pagtatapos ay maisuot nila ang damit na angkop sa kanilang gender identity na hindi na kinakailangan pang humingi ng permiso sa pamunuan ng paaralan.
Kaugnay nito, agad naman umanong sumulat si Jamer ng petisyon hinggil sa Gender Inclusive dress code sa presidente ng kanilang paaralan.
Nilinaw naman ni Jamer na ang sakop lamang ng nasabing resolusyon, ang mga estudyante na talagang nagsusuot na ng damit na naayon sa kanilang gender identity simula pa nang magsimula ang mga ito na mag-aral sa nasabing paaralan.
Sa ngayon, hindi umano nila pinahihintulutan na magsuot ng mga damit na na maaring makalapastangan sa iba’t-ibang cultural groups sa Pilipinas, kahit pa na naaprubahan na ang nasabing resolusyon.