Binatikos ni German Chancellor Friedrich Merz ang Estados Unidos dahil sa umano’y kakulangan nito ng malinaw na estratehiya sa gitna ng lumalalang tensyon sa Iran, na aniya’y naglalagay sa Washington sa alanganing posisyon.

Sa kanyang talumpati sa mga estudyante sa Marsberg, sinabi ni Merz na tila napapahiya ang U.S. sa harap ng liderato ng Iran. “An entire nation, the U.S., is being humiliated by Iran’s leadership,” ani ng Chancellor.

Iginiit ni Merz na hindi malinaw ang direksyon ng Amerika sa kasalukuyang sitwasyon at kulang ito sa epektibong estratehiya sa pakikipag-ayos sa Iran. Dagdag pa niya, mas malakas umano ang Iran kaysa sa inaasahan ng U.S.

Binigyang-diin din ng opisyal na mahalaga sa anumang digmaan ang pagkakaroon ng malinaw na plano—hindi lamang sa pagsisimula kundi lalo na sa pagtatapos nito.

Advertisement

Ikinumpara rin niya ang sitwasyon sa mga nakaraang digmaan ng Amerika sa Afghanistan at Iraq, na ayon sa kanya ay nagdulot ng malaking gastos at matagalang alitan sa Gitnang Silangan.

Ayon kay Merz, may direktang epekto ang krisis sa ekonomiya ng Germany at ng buong Europa, partikular sa sektor ng enerhiya at gastusin ng pamahalaan.

Ibinunyag din ng Chancellor na ipinaabot na niya ang kanyang pag-aalala kay U.S. President Donald Trump, at sinabing mas matindi sana ang kanyang naging babala kung inaasahan niyang lalala pa ang sitwasyon.

Samantala, nagpahayag ang Germany ng kahandaang tumulong sa pagbubukas ng Strait of Hormuz sa pamamagitan ng pagpapadala ng mine-clearing vessels, ngunit nilinaw na kailangan munang humupa ang labanan bago ito maisakatuparan.

Advertisement