Pinalalakas ng gobyerno ang energy security ng bansa sa kabila ng hindi tiyak na kalakaran ng pandaigdigang presyo ng langis, habang sinisimulan na ng publiko at pribadong sektor ang pagpapatatag ng suplay, ayon kay Executive Secretary Ralph Recto.

Sa isang opisyal na pahayag, sinabi ni Recto na ang “synergy of public-private efforts” na ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay nagbubunga na sa gitna ng krisis “not of our own making.” Tiniyak ng mga kompanya ng langis sa gobyerno na matatag ang suplay ng langis sa kabila ng global uncertainty.

Kabilang dito ang Petron, na nakatuon sa parehong tradisyonal at alternatibong fuel sources, pati na rin ang pagdating ng Russian oil shipments. Sa ilalim ng tinaguriang “oil diplomacy,” naka-order ang kompanya ng 1.04 milyong barrels ng diesel, na ang unang batch ay inaasahan ngayong linggo. Kasabay nito, tiniyak ng Indonesia ang matatag na suplay ng uling para palakasin ang energy reserves ng bansa.

Binanggit din ni Recto ang developments sa Malampaya gas field, na may bagong balon na inaasahang operational sa huling quarter ng taon, upang higit pang mapalakas ang long-term energy security. Dagdag pa rito, pinagtibay kamakailan ang batas na nagbibigay kapangyarihan sa Pangulo na suspendihin o bawasan ang excise taxes sa petroleum products bilang karagdagang hakbang sa pagtugon sa tumataas na presyo ng gasolina.

Advertisement

Dahil sa nadagdag na suplay, inaasahang mararamdaman ng publiko ang kaginhawaan. Pinalawig ang fuel discount programs sa 250,000 public transport drivers, habang ang mga magsasaka at mangingisda ay tatanggap din ng tulong upang mapanatiling abot-kaya ang presyo ng pagkain.

Ipapatupad rin ng gobyerno ang nationwide energy conservation program. Na-inspeksyon na ang mahigit 1,000 government offices para matiyak ang pagbawas sa paggamit ng elektrisidad. Ang mga sasakyan ng gobyerno, maliban sa emergency at essential services, ay inilagay sa “strict gas diet.” Ayon kay Recto, “The most valuable watt of electricity, or liter of gas, is the one not consumed.”

Dagdag pa niya, ang energy efficiency measures ay ipatutupad sa malalaking kaganapan ng gobyerno, kabilang ang nalalapit na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit, na mas nakatuon sa problem-solving kaysa sa “pomp and pageantry.”

Advertisement