NAGA CITY – Benepisyaryo ng tulong-pangkabuhayan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) – Bicol ang grupo ng mga mangingisda sa Camarines Norte sa ilalim ng Special Area for Agriculture Delevelopment (SAAD) Program.
Ang San Lorenzo Ruiz Tilapia Raiser Association (SLRTRA) ay isang samahan ng mga mangingisda mula sa San Lorenzo, Camarines Norte na binubuo ng 30 miyembro—19 na lalaki at 11 na babae.
Ang samahan ay benepisyaryo ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa ilalim ng Special Area for Agricultural Development (SAAD) Program.
Sa pamamagitan ng programang ito, nakatanggap ang mga miyembro hindi lamang ng tulong-pangkabuhayan kundi pati na rin ng mga mahahalagang pagsasanay upang mapalakas ang kanilang kakayahan bilang isang organisasyon.
Ayon kay Ariel Arandia, PO President ng San Lorenzo Ruiz Tilapia Raiser Association (SLRTRA), sinabi nito na ang kanilang asosasyon ay nabuo noong Pebrero 16, 2023 sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng San Lorenzo Ruiz sa BFAR.
Nagsimula umano ang kanilang proyekto noong nakatanggap sila ng sampung banyera at dalawang weighing scale kung saan simula noong taong-2023 hanggang sa kasalukuyang taon, naka tatlong cycle na umano sila, at nakatanggap ng tilapia fingerlings maging libreng feeds.
Dagdag pa nito na noong nakaraang April 21 hanggang May 6, 2025 ang SLRTRA ay sumali sa Bantayog Festival na ginanap sa Bayan ng Daet. Sa nasabing aktibidad, ibinenta nila ang iba’t-ibang produkto gaya na lamang ng fish lumpia, fish embotido, fish longganisa, skin tilapia chicharon, at ang kanilang top selling na tilanguet na hanggang ngayon ay hinahanap-hanap ng kanilang costumer.
Samantala, upang mapabuti ang pamamahala ng kanilang operasyon at matiyak ang pangmatagalang tagumpay, dumaan ang grupo sa iba’t ibang pagsasanay tulad ng Organizational Development and Management, Financial Literacy, at Gender and Development.
Tumanggap din sila ng mga teknikal na pagsasanay sa Tilapia Culture, Fish Processing, at Value Adding upang higit pang mapakinabangan ang kanilang proyekto sa aquaculture at makahanap ng iba pang mapagkakakitaan bukod sa pagbebenta ng sariwang isda.
Dahil sa nadagdagang kaalaman at kasanayan, aktibo na ngayong lumalahok ang SLRTRA sa mga trade fair kung saan kanilang ipinapakilala at ibinibenta ang kanilang mga produktong may halong dagdag-halaga—lalo na ang kanilang pinakamabentang produkto na Tilanggit. Sa hinaharap, layunin ng samahan na makapagtayo ng sarili nilang pasilidad para sa fish processing, na kanilang inaasahang pondohan mula sa kita ng kanilang pagtitilapia.