Maglalabas ang Government Service Insurance System (GSIS) ng mahigit ₱19 bilyon bilang loan refunds para sa nasa 1.37 milyong miyembro at pensioners sa ilalim ng Balik Ginhawa program.
Ayon sa GSIS, ang refund ay katumbas ng hanggang tatlong buwang amortizations na ibabalik sa mga kwalipikadong benepisyaryo bilang lump sum.
Ipinaliwanag ni GSIS President at General Manager Wick Veloso na mas mabilis at mas epektibo ang programang ito kumpara sa tradisyunal na moratorium, dahil sa halip na pansamantalang itigil ang pagbabayad, agad na ibinabalik ang katumbas ng tatlong buwang hulog.
Layunin umano ng programa na makapagbigay ng agarang tulong pinansyal sa mga miyembro at pensioners, lalo na sa panahon ng pangangailangan.
Gayunpaman, nilinaw ng GSIS na tanging mga miyembro at pensioners na nakapagbayad ng kanilang loan sa loob ng itinakdang tatlong buwan ang makatatanggap ng refund.
Hindi naman kabilang sa mga benepisyaryo ang mga hindi nakapagbayad sa nasabing panahon.
Inaasahang makatutulong ang programang ito upang maibsan ang pinansyal na pasanin ng mga kawani ng gobyerno at pensioners na patuloy na humaharap sa tumataas na gastusin sa araw-araw.














