Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang isang armadong lalaki na umano’y nagtangkang patayin si US President Donald Trump at ilang matataas na opisyal sa isang gala dinner sa Washington, D.C. noong Sabado ng gabi, na nagdulot ng kaguluhan at agarang evacuation ng mga bisita.

Ayon sa mga imbestigador, ang suspek ay nagtangkang makapasok sa venue habang may dalang shotgun, handgun, at mga patalim, at umano’y target ang mga miyembro ng administrasyon. Agad siyang hinarang ng Secret Service at nagkaroon ng maikling palitan ng putok bago siya naaresto sa lugar.

Sinabi ni Acting US Attorney General Todd Blanche na hindi pa ganap na malinaw ang motibo ng suspek, ngunit batay sa paunang imbestigasyon, posibleng nakatuon ito sa mga opisyal ng administrasyon. Nakatakdang humarap sa korte ang suspek sa Lunes.

Ayon sa mga opisyal, ang suspek ay pansamantalang nanunuluyan sa Washington Hilton hotel, kung saan ginanap ang White House Correspondents’ Association dinner na dinaluhan ng pangulo, First Lady, Bise Presidente, at iba pang matataas na opisyal.

Advertisement

Sa kaguluhan, napilitan ang mga bisita na magtago sa ilalim ng mga mesa habang mabilis na inilikas si Trump ng Secret Service. Umani rin ng pag-aalala ang insidente hinggil sa seguridad ng naturang high-profile na pagtitipon.

Ayon kay Trump, naniniwala siyang ang suspek ay may “anti-Christian manifesto,” bagama’t wala pang kumpirmadong detalye mula sa mga imbestigador hinggil sa motibo.

Sinabi rin ng pangulo na ang insidente ay isa na namang halimbawa ng serye ng pag-atake laban sa kanya, kabilang ang mga naunang insidente noong 2024 sa Pennsylvania at Florida.

Samantala, patuloy ang imbestigasyon sa insidente habang sinusuri ng mga awtoridad ang seguridad ng venue at ang galaw ng suspek bago ang pag-atake.

Advertisement