Ipinag-utos ng Malakanyang ang half-day work-from-home arrangement para sa lahat ng empleyado ng gobyerno sa Miyerkules Santo, Abril 1, 2026, bilang bahagi ng paggunita sa Semana Santa.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer na si Claire Castro, magsisimula ang work-from-home setup mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali, habang suspendido na ang trabaho mula alas-12:01 ng hapon hanggang alas-5:00 ng hapon.
Ang direktiba ay nakasaad sa Memorandum Circular No. 116 na nilagdaan ni Executive Secretary na si Ralph Recto, sa ilalim ng awtoridad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na may petsang Marso 31, 2026.
Ipinaliwanag na ang nasabing adjustment ay alinsunod sa pagdiriwang ng Semana Santa, isa sa pinakamahalagang panahong panrelihiyon sa bansa, kung kailan maraming Pilipino ang umuuwi sa kanilang mga probinsya o nakikilahok sa iba’t ibang gawaing panrelihiyon.
Samantala, ang Huwebes Santo (Abril 2) at Biyernes Santo (Abril 3) ay mananatiling regular holidays, habang ang Sabado de Gloria (Abril 4) ay isang special non-working day.
Para naman sa mga pribadong kumpanya at tanggapan, ipinauubaya ng Malakanyang sa kani-kanilang pamunuan ang desisyon kung magpapatupad ng work-from-home o magsususpinde ng trabaho.
Ang Mahal na Araw ay isang mahalagang pagdiriwang para sa mga Kristiyano, kung saan ginugunita ang paghihirap, pagkamatay, at muling pagkabuhay ni Hesukristo. Kaugnay nito, inaasahan ang pagdagsa ng mga biyahero sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa naturang long weekend, kasabay ng tradisyunal na pagbabalik-probinsya at pagninilay-nilay ng mga pamilya.














