Photo © web

Umabot na sa halos walong milyong pirma ang nalikom ng online public signature campaign na “Impeach Sara Duterte!” na layong ipanawagan ang pagsasampa at pagtutuloy ng impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon sa mga organizer ng kampanya, inilunsad ang inisyatibo upang makalikom ng malawak na suporta para pormal na mapaharap si Duterte sa impeachment proceedings.

Sa loob lamang ng 24 oras matapos ang paglulunsad nito, umabot agad sa mahigit isang milyong katao ang lumagda sa kampanya.

Bago ang botohan sa plenaryo ng Kamara de Representantes noong Mayo 11, nakapagtala na ito ng mahigit dalawang milyong pirma.

Advertisement

Mula Mayo 11 hanggang Mayo 14, nadagdagan pa ito ng halos anim na milyong pirma, at patuloy pa umanong dumarami kada minuto.

Ayon sa sistema ng kampanya, gumagamit ito ng IP address tracking at digital fingerprinting bilang bahagi ng verification process upang maiwasan ang duplicate o pekeng pirma. Sinusuri rin ang lahat ng nakokolektang datos.

Batay sa datos ng kampanya, pinakamaraming pumirma ay mula sa Metro Manila na umabot sa 1.4 milyon, sinundan ng Cavite na may mahigit 755,000.

Malaki rin ang bilang ng mga lumagda mula sa Cebu, Negros Occidental, Bulacan, Rizal, Laguna, Iloilo, Pangasinan, Leyte, Batangas, at iba pang lalawigan sa bansa.

Advertisement