Namahagi ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng halos P1 bilyon na fuel subsidies sa mga driver at operator ng public utility vehicles (PUV) bilang bahagi ng tulong ng gobyerno sa gitna ng tumataas na presyo ng gasolina dahil sa krisis sa Middle East.

Ayon kay LTFRB Chair Vigor Mendoza II, patuloy nilang pinapabilis at pinapahusay ang proseso ng distribusyon upang mas maraming benepisyaryo ang makatanggap agad ng ayuda. “Hindi pwedeng patagalin pa dahil patuloy na sumisipa pataas ang presyo ng gasolina at diesel,” ani Mendoza.

Sa Metro Manila, nakatanggap ng P200 milyon ang mga driver at operator, sinundan ng P99 milyon sa Calabarzon, P86 milyon sa Central Visayas, P82 milyon sa Central Luzon, at P69 milyon sa Northern Mindanao.

Ang mga benepisyaryo ay kinabibilangan ng mga driver at operator ng modern at traditional jeepneys, UV Express, regular at point-to-point buses, TNVS, taxi, at tricycle. Ayon sa LTFRB, kasunod na rin ang delivery riders at motorcycle taxi drivers sa pagtanggap ng kanilang fuel subsidy.

Advertisement

Nagbigay ng katiyakan si Mendoza na walang kwalipikadong benepisyaryo ang mapag-iiwanan, at nakikipagtulungan ang LTFRB sa iba pang ahensya ng gobyerno at LGUs para mapabilis ang distribusyon ng ayuda at iba pang paraan ng pagtulong sa sektor ng PUV.

Advertisement