NAGA CITY- Agad na nagsagawa ng imbestigasyon ang Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO) sa kumakalat na balita tungkol sa umano’y walang tigil na pagpapaputok ng baril ng chief of police ng Gainza Municipal Police Station (MPS).
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay P/Lt. Col. James Ronatay Jr., spokesperson ng Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO), sinabi nito na agad na ipinag-utos ni P/Col. Roderico Roy Jr., Provincial Director ng CSPPO na imbestigahan ang nasabing impormasyon.
Ayon kay Ronatay, nakausap na rin nito ang inirereklamong hepe na kinilalang si P/Lt. Jonathan Alfelor at mariing pinabulaanan ang nasabing impormasyon.
Ayon sa opisyal, gawa-gawa lamang umano ito ng mga may galit sa kanya dahil sa paniniwalang mahigpit ang pagpapatupad nito ng mga batas sa kanyang nasasakupan.
Dagdag pa nito, hindi umano ito gagawa ng anumang ikakasira ng kanyang pangalan lalo pa’t malapit na itong mag retiro.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pamunuan ng CSPPO sa nasabing pangyayari habang hinikayat naman ni Ronatay ang mga
residente sa nasasakupan ng inirereklamong hepe, na nakasaksi sa umano’y pang-aabuso nito, na mag-file ng reklamo kung totoo nga ang nasabing impormasyon.