Arestado ang isang High Value Individual (HVI) matapos masamsam ang hinihinalang shabu sa isinagawang search warrant operation ng pulisya sa Brgy. Teresita, Baao, Camarines Sur, nitong Abril 20, 2026.
Kinilala ang suspek sa alyas “Sikaw,” 51 taong gulang, na naaresto bandang 1:10 ng madaling-araw sa pinagsanib na operasyon ng mga tauhan ng pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Camarines Sur.
Sa bisa ng search warrant kaugnay ng paglabag sa Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), isinagawa ang operasyon sa isang bahay sa Zone 6, Brgy. Teresita.
Ayon sa pulisya, maayos na isinagawa ang operasyon sa ilalim ng “knock-and-announce rule” at presensya ng insulating witnesses. Natagpuan sa lugar ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang bigat na 10 gramo at halagang aabot sa ₱68,000.
Isinagawa rin ang pagmamarka at imbentaryo ng ebidensya sa mismong lugar gamit ang body-worn cameras bilang bahagi ng dokumentasyon at transparency.
Agad na ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatan at dahilan ng pag-aresto bago siya dinala sa Baao Municipal Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng kaso.














