Nilinaw ng House Committee on Justice na hindi layunin ng impeachment hearings na ipahiya si Vice President Sara Duterte, kundi bahagi lamang ito ng proseso upang matukoy kung may probable cause ang reklamo.
Ayon kay Justice Committee Chairperson Gerville Luistro, tungkulin ng komite na magsagawa ng mga clarificatory hearing at gumamit ng subpoena kung kinakailangan upang masuri nang maayos ang mga ebidensya.
Giit niya, hindi pa ito full trial kundi nasa preliminary stage pa lamang ng impeachment process. Kung makikitang may sapat na basehan, isusumite ang reklamo sa plenaryo ng Kamara at maaari itong iakyat sa Senado para sa impeachment trial.
Kung sakaling ibasura ng komite ang reklamo, maaari pa rin itong aprubahan o baligtarin ng plenaryo ng Kamara.
Binigyang-diin ni Luistro na ang impeachment ay isang constitutional na mekanismo para sa pananagutan ng mga opisyal sa ilalim ng demokratikong sistema ng bansa.














