Tatalakayin ng mga miyembro ng House Committee on Justice ngayong Miyerkules ang mga alegasyon ng umano’y unexplained wealth ni Vice President Sara Duterte, gayundin ang mga isyu kaugnay ng kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Kasama sa agenda ng ika-3 sa apat na pagdinig ang pagtukoy kung may sapat na batayan upang iakyat sa plenaryo ng Kamara ang impeachment complaint laban kay Duterte para sa botohan kung may probable cause.
Nahaharap ang Bise Presidente sa mga alegasyon ng umano’y maling paggamit ng confidential funds, hindi maayos na deklarasyon ng SALN, at iba pang paratang na maaaring maituring na betrayal of public trust—isa sa mga impeachable offenses sa Konstitusyon, ayon kay Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro.
Inaasahang dadalo sa pagdinig ang hindi bababa sa limang resource persons, kabilang sina dating Senador Antonio Trillanes IV at Ombudsman Jesus Crispin Remulla, gayundin ang mga kinatawan mula sa Bureau of Internal Revenue, Securities and Exchange Commission, at Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Ayon kay Luistro, si Remulla ay inaasahang magpapakita ng mga kopya ng SALN ni Duterte, habang si Trillanes ay maghahain ng mga ebidensya kaugnay ng kanyang mga paratang hinggil sa umano’y kahina-hinalang yaman ng Bise Presidente.
Inatasan din ang AMLC na magsumite ng ulat hinggil sa umano’y kahina-hinalang transaksyon sa bangko na may kinalaman kina Duterte at asawang si Manases Carpio mula 2006 hanggang 2025.
Mariing itinatanggi ng kampo ni Duterte ang anumang maling gawain at sinasabing ang mga impeachment complaint laban sa kanya ay may halong pulitika.














