Kinumpirma ng 11-member House prosecution panel na dadalo sila sa pag-convene ng Senate impeachment court sa Mayo 18 para sa pormal na pagsisimula ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, handa na ang buong prosecution team matapos maipadala ng Kamara de Representantes ang Articles of Impeachment sa Senado noong Miyerkules ng gabi.
Sinabi nina Rep. Leila de Lima, Rep. Chel Diokno, at Rep. Joel Chua na tuloy-tuloy ang kanilang mga pagpupulong upang hatiin ang mga tungkulin sa bawat artikulo ng reklamo.
Kasabay nito, bumubuo rin ang panel ng listahan ng mga volunteer private prosecutors na tutulong sa kaso.
Ipinaliwanag ni De Lima na hinati sa mga grupo ang trabaho batay sa apat na articles of impeachment, kung saan bawat team ay may nakatakdang tututok sa ebidensiya, dokumento, at mga saksi.
Ayon kay Diokno, mahalagang mapatunayan ng prosecution ang bawat elemento ng mga alegasyon bago ito iharap sa depensa.
Samantala, sinabi ni Rep. Joel Chua na siya ang tututok sa unang article na tumutukoy sa umano’y maling paggamit ng confidential funds, gayundin sa ikalawa at ikatlong articles na may kaugnayan sa unexplained wealth at bribery allegations.
Tiwala ang mga mambabatas na hindi maaantala ng mga nangyaring tensyon sa Senado ang impeachment proceedings at iginiit na nasa Senado na ang susunod na hakbang para tiyakin ang patas at agarang paglilitis.
Dagdag pa nina De Lima at Diokno, hindi dapat makilahok sa impeachment trial si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa dahil sa umiiral na warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC), na posibleng makaapekto umano sa integridad ng proseso.
Gayunman, nilinaw ni Rep. Chua na mananatili pa rin ang kinakailangang two-thirds vote kahit hindi makaboto si Dela Rosa.














