Inilabas ng House prosecution panel ang detalye ng nakatakdang tungkulin ng bawat prosecutor para sa nalalapit na impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, kung saan hahawakan ng bawat team ang iba’t ibang articles of impeachment upang mapabilis ang pagdinig.
Ayon kay lead prosecutor at House Justice Committee Chairperson Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, hahawakan ng bawat prosecutor ang hindi bababa sa dalawang articles of impeachment upang mapabilis ang presentasyon ng ebidensya at pagdinig ng mga testigo.
Kabilang sa mga alegasyon laban kay Duterte ang umano’y maling paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education, unexplained wealth, bribery, at pagbabanta sa ilang matataas na opisyal ng pamahalaan.
Tiniyak ng prosecution panel na handa nilang patunayan ang apat na articles of impeachment gamit ang mga ebidensya mula sa imbestigasyon ng Kongreso, kabilang ang mga ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), National Bureau of Investigation (NBI), at Commission on Audit (COA).
Sa Article I, siyam na prosecutors ang itinalaga para sa mga paratang ng paglabag sa Konstitusyon, graft and corruption, at betrayal of public trust kaugnay ng umano’y maling paggamit ng ₱500 milyong confidential funds ng Office of the Vice President at ₱112.5 milyong pondo ng Department of Education.
Kabilang sa mga itinalaga sa Article I ang sina Luistro bilang lead, Manila Rep. Joel Chua bilang second lead, at sina Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima, Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno, Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, Iloilo Rep. Lorenz Defensor, Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores, 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez, at Cagayan de Oro Rep. Lordan Suan.
Parehong bilang ng prosecutors ang hahawak sa Article II na tumatalakay sa unexplained wealth, umano’y hindi kumpletong SALN, at kabiguang mag-divest ng interes sa negosyo habang nasa pwesto.
Si Ridon ang mangunguna sa Article II, kasama si Diokno bilang second lead.
Samantala, sa Article III na tumutukoy sa bribery at graft and corruption, itinalaga sina San Juan City Rep. Ysabel “Bel” Zamora, Chua, Gutierrez, at Kaka Bag-ao, kung saan si Chua ang lead prosecutor at si Gutierrez ang second lead.
Sa Article IV naman, na kinabibilangan ng alegasyon ng pagbabanta sa Pangulo at iba pang opisyal at inciting sedition, sina Iloilo Rep. Lorenz Defensor at Leila de Lima ang magsisilbing lead at second lead, kasama ang iba pang prosecutors na sina Luistro at Zamora.














