Abala ang House prosecution panel sa masusing pag-aaral at paghahanda para sa nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado, kung saan inihalintulad nila ang proseso sa pagrerebyu para sa Bar examinations.

Ayon kay Batangas Representative Gerville Luistro, halos parang Bar exam preparation ang kanilang ginagawa dahil sa lawak at lalim ng mga legal na isyung kanilang pinag-aaralan, kabilang ang rules on evidence at mga procedural requirements.

Sinabi rin niya na nagsagawa ang panel nitong Miyerkules ng “prosecutors learning from prosecutors” session na pinangunahan ni Manila Representative Chel Diokno, kung saan tinalakay ang mga patakaran sa ebidensya at mahahalagang hakbang sa impeachment proceedings.

Kasabay nito, inaayos na rin ng House prosecution panel ang listahan ng mga testigo, pati na rin ang mga dokumento, video, at iba pang ebidensiyang ihaharap sa bawat artikulo ng impeachment.

Advertisement

Nilinaw ni Luistro na hindi lamang mga dokumento ang kanilang ihahain kundi iba’t ibang uri ng materyales na susuporta sa kanilang kaso sa Senado.

Matatandaang inaprubahan ng House of Representatives ang impeachment complaint laban kay Bise Presidente Duterte kaugnay ng umano’y maling paggamit ng confidential funds, mga isyu sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), umano’y hindi maipaliwanag na yaman, at mga kontrobersyal na pahayag na may kaugnayan sa umano’y pagbabanta sa Pangulo at iba pang opisyal.

Binigyang-diin ng House prosecution panel na ang impeachment ay hindi lamang isang legal na proseso kundi isang mekanismo upang matukoy kung karapat-dapat pang manatili sa puwesto ang isang mataas na opisyal ng pamahalaan.

Advertisement