Ipinahayag ng House prosecution panel na nakahanda na silang iharap ang mga ebidensya laban kay Vice President Sara Duterte matapos pormal na buksan at i-convene ng Senado ang impeachment court para sa nalalapit na paglilitis.

Ayon kay House Prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, handang-handa na ang kanilang hanay na ilatag ang mga ebidensyang hawak nila laban sa Bise Presidente sa mga susunod na araw.

Sinabi ni Ridon na susunod ang prosecution panel sa lahat ng kautusan, direktiba, at legal na proseso na itatakda ng Senate impeachment court habang nagpapatuloy ang makasaysayang paglilitis sa Senado.

Samantala, nanawagan naman ang progresibong Makabayan Bloc na agad nang simulan ang paglilitis laban kay VP Sara.

Advertisement

Binigyang-diin nina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Jane Elago, at Kabataan Party-list Rep. Atty. Renee Louise Co na mahalagang hakbang sa pananagutan ang impeachment proceedings.

Ayon sa grupo, inaasahan nilang gagampanan ng Senado ang tungkulin nito nang may seryosong dedikasyon at agarang aksyon.

Iginiit din ng Makabayan Bloc na matagal nang naghihintay ang mamamayang Pilipino ng mga kasagutan kaugnay ng mga alegasyon ng korapsyon at iregular na paggamit ng pondo ng bayan.

Tiniyak naman ng mga progresibong mambabatas na mananatili silang nakatutok upang matiyak na magiging patas, transparent, at nakasentro sa esensya ng mga kaso ang buong proseso ng paglilitis.

Advertisement