NAGA CITY- Tinatayang aabot sa humigit-kumulang P200-K ang halaga ng pinsala na iniwan ng nangyaring sunog sa isang kainan sa Brgy. Concepcion Pequeña, Naga City.
Mababatid na dakong alas-12 ng hatinggabi, Enero 23, 2022 ng kainin ng sunog ang Tapsi Terminal sa naturang lugar.
Sa naging pagharap sa mga kagawad ng media ni SFInsp. Peter Paul Mendoza ang Naga City Fire Director, sinabi nito na batay sa cashier ng naturang kainan, habang nag-uusap sila ng isa sa kanilang tagaluto ng nakaamoy na lamang sila ng nasusunog na bagay.
Dahil dito, pinaniniwalaang ang nakalimutang niluluto ang naging dahilan ng naturang sunog.
Agad naman umanong humingi ng tulong ang mga ito ngunit ayon pa sa opisyal, posibleng mali ang naging paraan ng mga ito sa pag-apula ng apoy kung kaya lalo pa itong lumaki.
Ayon pa kay Mendoza, nagtagal ng halos 25 minuto bago pa man maideklara na fired out na ang naturang insidente.
Samantala, posible pa umano itong madagdagan ang halagang naiwan ng naturang insidente dahil may mga nadamay din sa katabi nitong establisyemento.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa naturang insidente.