NAGA CITY- Hindi rin pabor sa Anti-Terrorism Bill ang Integrated Bar of the Philippines (IBP), Camarines Sur Chapter.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Atty. Florante Nacor, Chapter President ng IBP, Cam Sur chapter, sinabi nito na bagama’t naniniwala ito na kailangan ng Pilipinas ng batas laban sa terorismo, ngunit ang problema dito ay ang depinisyon ng terorismo.

Aniya, masyadong malawak ang kahulugan nito kung kaya dito nagkakaroon ng kalituhan.

Sinabi pa nito, labis rin itong nakakabahala dahil posible nitong maaapektuhan ang paraan ng pamamahayag ng mga mamamayang Pilipino.

Advertisement

Sa kabila nito, nilinaw ni Atty. Nacor na hindi nila kinokontra ang batas laban sa terorismo ngunit dapat umanong maging malinaw ang nilalaman ng bill at dapat ring nakabatay sa konstitusyon.

Samantala, hindi naman umano nila sinasabing ibasura ang bill ngunit ang kailangan lamang dito, ay linawin ang probisyon na nasa loob ng naturang panukala.

Advertisement