Ibinasura ng Pre-Trial Chamber I ng International Criminal Court ang hiling ng depensa ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na payagang i-apela ang naunang desisyon kaugnay ng mga kasong crimes against humanity na may kinalaman sa war on drugs campaign ng kanyang administrasyon.
Sa 12-pahinang desisyon, magkakasamang ibinasura ng tatlong hukom na sina Presiding Judge Iulia Antoanella Motoc, Judge Reine Adélaïde Sophie Alapini-Gansou, at Judge María del Socorro Flores Liera ang kahilingan ng kampo ni Duterte.
Ayon sa depensa, masyadong malawak umano ang saklaw ng mga kasong isinampa laban sa dating pangulo. Ngunit iginiit ng Prosecution na tama ang naging paglalatag ng korte sa saklaw ng kaso at malinaw umano ang naging batayan ng ebidensiya na ginamit sa desisyon.
Giit pa ng kampo ni Duterte, hindi raw sapat ang paliwanag ng korte hinggil sa ebidensyang ginamit. Subalit ayon sa Prosecution, sinunod ng Pre-Trial Chamber ang tamang proseso at hindi kinakailangang isa-isahin ang lahat ng ebidensiya sa desisyon nito.
Matatandaang noong Abril 23, kinumpirma ng ICC ang mga kaso laban kay Duterte kaugnay ng umano’y mga pagpatay sa ilalim ng war on drugs campaign, kabilang ang mga insidente mula pa noong panahon niya bilang alkalde ng Davao City hanggang sa kanyang pagkapangulo.
Kabilang sa mga kasong kinakaharap ng dating pangulo ang murder at attempted murder bilang crimes against humanity na may kaugnayan sa mga insidente mula 2013 hanggang 2018.
Nauna na ring ibinasura ng ICC Appeals Chamber ang hiwalay na apela ng kampo ni Duterte hinggil sa hurisdiksyon ng korte at idineklara ring moot ang hiling na pagpapalaya sa kanya.














