Photo © web

Itinutulak ng mga tagausig ng International Criminal Court (ICC) na magsimula sa Nobyembre 2026 ang paglilitis laban kay dating Pangulong Rodrigo R. Duterte kaugnay ng mga kasong crimes against humanity noong kaniyang administrasyon.

Sa isinumiteng ulat noong Mayo 15, sinabi ng prosekusyon na inaasahan nilang matatapos ang lahat ng kinakailangang paghahanda bago matapos ang Setyembre 2026. Dahil dito, iminungkahi nilang sa Nobyembre 30 ngayong taon pormal na simulan ang paglilitis upang magkaroon pa ng sapat na panahon para sa pag-aayos ng mga ebidensya at dokumento.

Samantala, mas maagang iskedyul naman ang isinusulong ng mga abogado ng mga biktima ng kampanya kontra droga. Para sa kanila, mas makatarungan kung Setyembre ngayong taon na agad magsimula ang paglilitis upang mapabilis ang pag-usad ng kaso at mabigyan agad ng pagkakataon ang iba pang biktima na makalahok sa proseso.

Sa kabilang panig, muling binuksan ng depensa ni Duterte ang isyu ng kaniyang kalusugan. Ayon sa kaniyang bagong legal counsel na si Peter R. Haynes, kinakailangang muling suriin kung kaya pa ng dating pangulo na humarap sa paglilitis dahil sa umano’y patuloy na paghina ng kaniyang kondisyon.

Advertisement

Giit ng depensa, hindi sapat ang naunang pagsusuring medikal na ginawa noong unang yugto ng kaso at dapat itong repasuhin bago tuluyang itakda ang paglilitis.

Matatandaang noong Abril 23, kinumpirma ng ICC ang mga kaso laban kay Duterte matapos siyang ideklarang “fit to stand trial” batay sa independiyenteng medikal na pagsusuri.

Inilipat na rin ang kaso mula Pre-Trial Chamber I patungo sa Trial Chamber III bilang paghahanda sa susunod na yugto ng paglilitis.

Nahaharap si Duterte sa tatlong bilang ng murder at attempted murder bilang crimes against humanity kaugnay ng umano’y mga pagpatay noong siya ay alkalde ng Davao City at kalaunan ay pangulo ng Pilipinas sa ilalim ng kampanya kontra droga.

Advertisement