Opisyal nang magtatapos sa Marso 31 ang operasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) matapos nitong matupad ang mandato sa pag-iimbestiga ng mga umano’y maanomalyang flood control at iba pang infrastructure projects, ayon kay ICI chairperson Justice Andres Reyes Jr.
Sa inilabas na pahayag nitong Biyernes, sinabi ni Reyes na nakumpleto na ng komisyon ang tungkulin nito sa ilalim ng Executive Order No. 94, kabilang ang pagsusumite ng siyam na referral na sumasaklaw sa 65 indibidwal sa Office of the Ombudsman.
Ayon sa kanya, bagama’t 90 araw lamang na kumilos bilang collegial body ang ICI, nakapagtatag ito ng Technical Working Group para sa asset recovery na kinabibilangan ng 20 ahensya ng gobyerno.
Nakabuo rin ang komisyon ng tatlong information systems na layong makatulong sa pagtukoy ng pandaraya at iba pang iregularidad sa mga infrastructure projects.
Dahil dito, inirekomenda ni Reyes ang pagwawakas ng operasyon ng komisyon, ngunit mananatili itong aktibo hanggang Marso 31, 2026 upang tapusin ang mga kinakailangang administrative processes kaugnay ng pagsasara nito.
Ang ICI ay nilikha ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong Setyembre 2025 sa pamamagitan ng Executive Order No. 94 bilang isang non-partisan fact-finding body na magsisiyasat sa mga umano’y iregularidad sa flood control at iba pang infrastructure projects sa nakalipas na sampung taon.
Sa kasalukuyan, si Reyes na lamang ang natitirang miyembro ng komisyon matapos magbitiw noong Disyembre 2025 si dating commissioner Rogelio “Babes” Singson dahil sa health at security concerns, habang nag-resign din si Rossana Fajardo matapos makumpleto ang kanyang itinakdang gawain sa komisyon.
Iginiit naman ni Reyes na ang mga framework at metodolohiyang nabuo ng ICI ay maaaring gamitin ng mga ahensyang may kapangyarihang mag-usig upang ipagpatuloy ang mas malawak na imbestigasyon at makatulong sa pagbawi ng mga nawawalang pondo ng pamahalaan.













