Ipinatawag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operator ng isang passenger bus na nasangkot sa nakamamatay na aksidente sa Camarines Sur noong gabi ng Abril 8.

Ayon sa LTFRB, pansamantalang sinuspinde ang operasyon ng bus na pagmamay-ari ng Mark-Eves Transit Corporation habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Batay sa paunang ulat ng pulisya, patungong Tabaco, Albay ang bus nang magulat umano ang drayber sa isang plastic barrier sa Andaya Highway sa Ragay. Dahil dito, napakabig ang sasakyan sa kabilang linya at bumangga sa isang rescue vehicle ng lokal na pamahalaan.

Dahil sa lakas ng banggaan, limang katao ang nasawi matapos matapon mula sa rescue vehicle, habang walo pa ang nasugatan. Ang drayber ng bus ay tumakas ngunit kalaunan ay sumuko rin sa mga awtoridad.

Advertisement

Nagpahayag ng pakikiramay ang LTFRB sa mga pamilya ng mga nasawi at tiniyak na magkakaroon ng hustisya. Inatasan na rin ang LTO Region 5 na tumulong sa pagproseso ng insurance claims para sa mga biktima.

Patuloy na mino-monitor ng LTFRB ang progreso ng kaso.

Advertisement