Naghain ng reklamo sa Office of the Ombudsman ang ilang sektor laban kina dating Usec. Adrian Bersamin at dating DepEd Usec. Trygve Olaivar dahil sa umano’y anomalya sa mga flood control projects, ayon sa mga grupong naglunsad ng kaso.

Kabilang sa naghain ng reklamo ang Kilusang Bayan Kontra Kurakot, Bagong Alyansang Makabayan, at iba pang sektoral na organisasyon. Ayon kay David San Juan ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot, layunin ng kanilang paghahain ng reklamo na mapanagot ang mga dating opisyal sa ilalim ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Code of Ethics of Public Officials, at iba pang kaukulang batas.

Isa sa mga batayan ng reklamo ang mga pahayag nina dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co at dating DPWH Usec. Roberto Bernardo tungkol sa mga anomalya. Binigyang-diin naman ni Teddy Casiño, chairperson ng Bagong Alyansang Makabayan, na ang paghahain ng reklamo ay paalala na hindi nakakalimot ang publiko sa isyu ng korapsyon sa flood control, at hinihikayat nila ang Ombudsman na agarang imbestigahan ang mga kaso, na may kaugnayan umano sa Malacañang at kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Advertisement