NAGA CITY- Mas lalo na umanong naging agresibo ang mga raliyista sa Beverly Hills, Los Angeles, California kasabay ng kaliwa’t kanan na mga kilos protesta laban sa kapulisan matapos mamatay ang black-American na si George Floyd.
Sa report ni Bombo International Correspondent Virgie Contreras, sinabi nitong agad na nagpatupad ng state of emergency sa buong lugar si California Gov. Gavin Newsom dahil sa tensyon na nangyayari.
Ayon kay Contreras, ilang malalaking mall ang pinasok na ng mga tao at pinagnakawan.
Ang iba naman aniyang mga gusali ang sinunog na ng mga ito.
Kaugnay nito, isa aniya sa ikinakatakot ng mga tao na magsagawa na rin ng agresibong hakbang ang mga otoridad dahil sa lumalalang tensyon.
Maliban dito, nababahala na rin aniya ang mga otoridad sa posibilidad na lomobo pa sa mga susunod na araw ang kaso ng COVID-19 sa Estados Unidos dahil sabay-sabay ng paglabasan ng mga tao na sumasama sa mga rally mula sa iba’t ibang estado.