Photo © web

Mas pipiliin na lamang magtanim at maging construction worker ng ilang mga jeepney drivers sa Naga City kaysa mamasada.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Reynaldo Sto. Domingo, Board Director ng Libmanan Transport Service Cooperative Inc. (Libtrasco), sinabi niyang gutom ang aabutin ng kanilang mga pamilya, at tila pinapatay na ang naghihirap na mahihirap sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Aniya, wala nang kinikita ang mga miyembro ng kanilang grupo. Kung magtutuloy-tuloy pa ito at umabot sa P150 kada litro ang presyo ng krudo, mapipilitan ang ilan sakanila na gumarahe na lamang at hindi na mamasada.

Simple lang ang kanilang panawagan, ito ang babaan ang presyo ng produktong petrolyo. Ang P5,000 fuel subsidy na ipinapamahagi ng gobyerno ay kulang at hindi kakasya. Tantsa niya, sa bawat byahe sa isang araw, P2,000 ang kanilang pinaka-mababang ikinu-krudo, kung kaya’t umaabot lamang sa humigi’t-kumulang 500 pesos ang kanilang kinikita, habang may ilan na mas mababa pa ang naiuuwing pera,lalo na ang mga nakiki-boundary lamang.

Advertisement

Giit niya, kung plano ng pamahalaan ang mamahagi ng fuel subsidy sa mga tsuper, mas mainam na magbigay ito ng kada-buwan. Aniya, hindi naman sasapat ang limang libo para matulungang makahinga ang mga tsuper habang patuloy pa ang giyera sa Middle East at ang recovery mula sa big time oil price hikes.

Samantala, tinawag niyang ‘panakip-gutom’lamang ang inihain na pisong taas presyo sa pamasahe sa traditional jeepneys. Aniya, kahit pa tatlong piso ito, hindi pa rin ito sasapat.

Samantala, hindi nakiisa ang kanilang grupo sa isinagawang transport strike sa Bicol region dahil hindi umano sila naabisuhan agad. Habang iginiit din niya na kahit pa man magkaroon ng transport strike hindi rin naman ito papansinin ng gobyerno, at tanging ang ibibigay lang ay mas mababa pa sa tunay na pangangailangan ng mga tsuper.

Nananawagan ang operator na tulungan ng gobyerno ang pasahero at mga tsuper dahil pare-parehas lamang sila na naghihirap.

Advertisement