Hindi na itinanggi ni Philippine Amalgamated Supermarkets Association President Steven Cua na may ilang produkto sa mga supermarkets ang inaasahang magtaas ng presyo sa buwan ng Abril dahil sa patuloy na krisis sa Gitnang Silangan at pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay Cua, naapektuhan ang suplay ng langis na nagdudulot ng pagtaas ng presyo sa ilang pangunahing produkto, lalo na’t ang ilang raw materials ng supermarket goods ay nagmumula sa ibang bansa.
Dagdag pa niya, kung magpapatuloy ang tensiyon sa Iran, posibleng mas marami pang produkto ang tataas ang presyo. May mga probinsya na rin na nakaranas ng pagtaas dahil sa karagdagang gastos sa transportasyon, kung saan ipinapataw ng ilang negosyante ang dagdag na presyo bunsod ng mataas na halaga ng petrolyo.
Para sa Abril 1, ilang manufacturers na ang nag-abiso na magtataas sila ng presyo ng kanilang mga produkto bilang tugon sa kasalukuyang sitwasyon. Patuloy na minomonitor ng pamahalaan ang epekto nito sa mga mamimili upang maiwasan ang labis na inflation sa pangunahing bilihin.








