Malapit nang makumpleto ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte sa antas ng komite ng Mababang Kapulungan, ayon kay House Assistant Majority Leader Lanao del Sur 1st district Rep. Zia Alonto Adiong Zia Alonto Adiong.

Sinabi ni Adiong, na miyembro ng House Committee on Justice, na inaasahang isasagawa ang huling pagdinig sa Abril 29, 2026.

Bago ito, nakatakda pang magsagawa ng pagdinig ang justice panel sa Abril 22 habang tinutukoy kung may “probable cause” ang mga impeachment complaint laban sa Pangalawang Pangulo.

Kabilang sa mga paratang ang umano’y pagbabanta sa matataas na opisyal ng gobyerno, maling paggamit ng confidential funds, unexplained wealth, at mga iregularidad sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Duterte.

Advertisement

Dagdag pa ni Adiong, pagdedebatehan pa ng mga miyembro ng komite ang isyu ng probable cause bago ilabas ang committee report, na inaasahang isusumite sa plenaryo ng House of Representatives of the Philippines sa pagbabalik-sesyon sa Mayo 4, 2026.

Ipinaliwanag din ng mambabatas na ang committee report ay hindi pa pinal na hatol kundi rekomendasyon kung dapat bang ituloy ang impeachment sa Senado.

Kung maaaprubahan sa plenaryo, isusunod ang impeachment trial sa Senado kung saan pagdedesisyunan kung mananatili sa puwesto o matatanggal sa tungkulin si Duterte.

Advertisement