Ipinahayag ni Iranian Ambassador to the Philippines Yousef Esmaeilzadeh ang kahandaan ng Iran na tumulong sa Pilipinas, kasabay ng hiling ng pamahalaan na italaga ang bansa bilang “non-hostile” upang masiguro ang ligtas na paglalayag ng mga barko at suplay ng langis.
Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro, inilahad ng Iranian ambassador ang posisyon ng kanilang bansa sa isang pulong kasama sina Maria Theresa Lazaro at Sharon Garin.
Inilarawan ni Castro ang pagpupulong bilang mainit at bukas, na nagpapakita ng kahandaan ng Iran na makipagtulungan sa Pilipinas.
Sa naturang pulong, hiniling ni Lazaro na pormal na kilalanin ang Pilipinas bilang “non-hostile country” upang matiyak ang ligtas na pagdaan ng mga barkong may bandilang Pilipino at ng mga oil shipment—isang hakbang na mahalaga para sa seguridad ng mga seafarer at sapat na suplay ng enerhiya ng bansa.
Dagdag pa ni Castro, sinabi ni Ambassador Esmaeilzadeh na matagal nang hinihintay ng Iran ang pakikipag-ugnayan ng Pilipinas at handa itong tumugon sa mga partikular na kahilingan ng gobyerno.
Samantala, inaayos na ng Department of Energy ang mga kinakailangang detalye upang agad itong maipadala sa diplomatic channels. Inaasahan din na makikipagpulong si Lazaro sa Iranian Foreign Minister upang mapagtibay ang kasunduan sa mas mataas na antas.
Agad namang iniulat nina Lazaro at Garin ang usapin kay Ferdinand Marcos Jr. para sa kaukulang aksyon ng pamahalaan.














