Iginiit ni Abbas Araghchi, foreign minister ng Iran, na hindi kailanman humingi ang kanilang bansa ng ceasefire sa United States sa kabila ng tumitinding tensyon at mga pag-atake sa rehiyon.
Ayon kay Araghchi, wala ring ginawang hakbang ang Iran upang magsimula ng anumang negosasyon sa Washington matapos ang mga pag-atakeng isinagawa umano ng Israel at ng Estados Unidos laban sa kanilang bansa.
Binigyang-diin ng opisyal na wala silang nakikitang dahilan upang makipag-usap sa U.S., lalo na’t habang may mga usapan umano noon ay nagpasya ang Amerika na magsagawa ng pag-atake laban sa Iran.
Dagdag pa niya, handa ang Iran na ipagtanggol ang sarili laban sa anumang digmaan na, ayon sa kanya, ay pinili ng Pangulo ng U.S. na si Donald Trump.
Samantala, sinabi rin ni Araghchi na bukas ang Iran sa pakikipag-ugnayan sa ibang bansa upang matiyak ang ligtas na pagdaan ng kanilang mga barko sa Strait of Hormuz, isang mahalagang ruta ng kalakalan at enerhiya sa Gitnang Silangan.
Ayon pa sa opisyal, may ilang bansa na ring lumapit sa Iran upang tiyakin na hindi maaapektuhan ng tensyon sa rehiyon ang kanilang mga barko na dumaraan sa naturang daanan.
Sa kabila nito, nanindigan si Araghchi na wala ring plano ang Iran na muling buhayin ang kanilang nuclear program.














