Inihayag ng Iran na maaari pa ring dumaan ang mga “non-hostile vessels” sa Strait of Hormuz basta’t makikipag-ugnayan ang mga ito sa kanilang awtoridad, kasunod ng matinding epekto ng digmaan sa pandaigdigang suplay ng langis.

Ayon sa ulat, nagpadala ang foreign ministry ng Iran ng liham sa mga kasaping estado ng International Maritime Organization kung saan inilatag ang mga patakaran para sa pagdaan ng mga barko sa nasabing mahalagang rutang pandagat.

Sa liham, sinabi ng Tehran na nagsagawa sila ng “kinakailangan at proporsyonal na hakbang” upang pigilan ang mga kalaban at kanilang mga kaalyado na gamitin ang Strait of Hormuz para sa mga operasyong laban sa kanilang bansa.

Gayunpaman, nilinaw ng Iran na ang mga barkong may kaugnayan sa United States at Israel, pati na ang iba pang sangkot sa agresyon, ay hindi papayagang dumaan bilang “non-hostile” o inosenteng sasakyang pandagat.

Advertisement

Dahil sa patuloy na tensyon at digmaan, halos tumigil ang pagdaloy ng humigit-kumulang isang-kalimang bahagi ng suplay ng langis at liquefied natural gas sa buong mundo na dumaraan sa nasabing kipot, na nagdudulot ng pangamba sa pandaigdigang ekonomiya.

Ang Strait of Hormuz ay isa sa pinakamahalagang ruta ng langis sa mundo, kaya’t anumang kaguluhan dito ay may malaking epekto sa presyo at suplay ng enerhiya sa iba’t ibang bansa.

Advertisement