Patay ang isang backrider matapos na maaksidente sa San Narciso, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Christopher Badaguas Matociños, 19 anyos, residente ng Brgy Calwit ng nabanggit na bayan.

Kinilala naman ang drayber na si alyas Mario, 36 anyos, residente ng Barangay Maguiting ng kaparehong bayan.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, alas-7 ng gabi aniya ng binabagtas nina Christopher at Mario ang Abuyon National Road na parte pa ng Sitio Pantay Brgy Abuyon San Narciso, papunta sa town proper ng San Narciso nang bigla na lang aniyang may tumawid na aso at nabanggaan ang kanilang motorsiklo.

Dahil dito, parehong nahulog sa daan ang dalawa.

Kaagad naman aniyang dinala ang dalawa sa isang ospital ngunit idineklara rin lang naman na dead on arrival ng doktor si Christopher.

Sa ngayon nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad tungkol sa nangyaring insidente.