NAGA CITY- Maswerteng nakaligtas ang dalawang indibidwal matapos tumaob ang pick up na kanilang sinasakyan Sitio Mainit, Brgy. Binanuahan, Lagonoy, Camarines Sur.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMSg. Adrian Lirag, Police Community Relation ng Lagonoy Municipal Police Station, na bandang alas-9:15 ng umaga nitong Huwebes nang mangyari ang nasabing insidente kung saan, mula sa bayan ng Caramoan sa nasabing lalawigan ang pick-up at patungo sana sa lungsod ng Naga.

Ngunit nang makarating ito sa lugar ng pinangyarihan at dahil na rin sa madulas na kalsada dala ng mga pag-uulan, kung kaya tumaob ang kanilang sinasakyan na pick-up na nagresulta naman sa ilang sugat ng mga biktima sa kanilang mga katawan.

Aniya, wala naman nakasalubong o nabangga ang sasakyan. Maliban pa dito ay hindi naman na kurbada ang kalsada ngunit pababa.

Samantala, agad agad namang nagtulong-tulong ang awtoridad at ilang residente para ibaliktad ang kotse at maialis sa daan, gayundin upang mailigtas ang dalawa

Kaugnay nito, patuloy rin umano ang kanilang ginagawang information dissemination hinggil na rin sa kalagayan ng kalsada sa kanilang bayan lalo na at halos nakalagay lamang ang mga street lights sa mga kabahayan sa lugar.