NAGA CITY – Ipinaliwanag ng isang propesor ang magagandang epekto ng paggamit ng mother tongue sa pagtuturo sa mga bata.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Dr. Alvin Rom de Mesa, Professor III at Pangulo ng Samahan ng mga Direktor ng Sentro ng Wika at Kultura sa Pilipinas, na sa halip na gawing kurso, mas magiging maayos at mas madali ang pagtuturo ng isang guro kung gagamitin nila ang wika ng mga mag-aaral na bihasa na sila at alam kung paano gamitin.
Ang pahayag ay kasunod ng desisyon na alisin ang Mother tongue bilang medium ng pagtuturo at gawin itong monolingual, ibig sabihin nito na tanging English at Filipino na lamang ang gagamitin sa pagtuturo ng mga guro mula Kindergarten hanggang Grade 3.
Ang desisyon ay ginawa dahil sa pangamba na mahirapan ang mga mag-aaral kung pagsapit ng Grade 4 ay English na ang lenggwahe na gagamitin ng mga guro sa pagtuturo.
Ayon pa sa opisyal na kailangan pang pag-aralan nang mabuti ang desisyon para balansehin kung tama bang tanggalin na ito.
Bilang karagdagan, binigyang diin din nito na may disadvantages ang paggamit ng Mother Tongue sa pagtuturo dahil sa pagkakaroon ng iba’t ibang mga kahulugan ng mga salita ayon sa lugar kung saan lumaki ang isang estudyante o guro.
Sa kabilang banda, nilinaw din ni De Mesa na hindi naman inalis ng Commission on Higher Education sa Kolehiyo ang asignaturang Filipino kundi ito ay ibinaba lamang sa Senior High School.
Ito ay dahil ang Senior High ay parang kolehiyo na rin ngunit wala silang ino-offer na kursong Filipino kaya ang mga ang asignaturang Filipino na pinag-aaralan sa college ay ibinaba dito.
Kaugnay nito, ipinag-utoss naman nang kagawaran na magkaroon at bumuo ng asignaturang Filipino na hindi katulad ng pinag-aralan sa Senior High upang maiwasan ang pagkakadoble nito. Niliwan rin nito na hindi lamang Filipino ang ibinaba kung hindi maging ang Mathematics at Science subjects.
Sa ngayon, apela na lamang ng opisyal sa publiko na patuloy na isulong ang paggamit ng kanilang sariling wika at gamitin ito sa pagpapalaganap ng kultura ng bawat Pilipino.