Nanawagan sina House Deputy Speaker Rep. Paolo Ortega at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong sa Senado na ituloy ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte upang maiharap ang lahat ng ebidensya at mabigyang-linaw ang mga isyung kinakaharap ng publiko.

Ayon kay Ortega, ang impeachment ay isang prosesong itinatadhana ng Konstitusyon upang patas na masuri ang mga alegasyon laban sa matataas na opisyal ng pamahalaan sa pamamagitan ng due process at pagtalakay sa mga ebidensya.

Binigyang-diin niya na ang anumang hakbang na hahadlang sa paglilitis bago maiprisinta ang mga ebidensya ay maaaring maglimita sa karapatan ng publiko na malaman ang buong katotohanan.

Dagdag pa ni Ortega, nakahanda na ang House prosecution panel na iharap ang kaso sa Senado na magsisilbing impeachment court, at igagalang nito ang magiging pasya ng hukuman batay sa umiiral na batas at sa mga ebidensyang ihaharap ng magkabilang panig.

Advertisement

Samantala, sinabi ni Adiong na malinaw sa Konstitusyon na responsibilidad ng Senado na dinggin at pagdesisyunan ang mga kasong impeachment, kaya nararapat lamang na mabigyan ng pagkakataon ang magkabilang panig na iharap ang kanilang mga ebidensya at mga testigo.

Ayon pa sa kanya, kinilala na umano ng kampo ni Duterte ang hurisdiksyon ng impeachment court sa pamamagitan ng paghahain ng mga pleadings, kaya dapat nitong harapin ang mga paratang sa halip na umasa sa mga teknikal na usapin.

Iginiit din ni Adiong na alinsunod sa Konstitusyon, sapat na ang mapatunayang pagkakasala sa kahit isang artikulo ng impeachment upang mapatalsik sa puwesto ang isang opisyal.

Advertisement