Naglabas ang mga awtoridad sa Japan ng evacuation advisories sa mahigit 2,500 residente matapos kumalat ang malawakang wildfire sa hilagang bahagi ng bansa at papalapit sa sentro ng isang bayan.

Ayon kay Minoru Kihara, umabot na sa higit 400 ektarya ang tinupok ng apoy sa bulubunduking bahagi ng Iwate region dalawang araw matapos magsimula ang sunog. Nakita rin ang apoy na papalapit sa mga kabahayan sa Otsuchi Town habang patuloy ang pagbuga ng makapal na usok mula sa kalapit na kagubatan.

Dahil dito, pinaigting ng mga awtoridad ang kanilang operasyon, kung saan nasa 700 bumbero at 13 aircraft ang ipinadala upang sugpuin ang sunog. Sa tala ng NHK, aabot na sa 329 residente ang pansamantalang lumikas at nanunuluyan sa evacuation centers.

Ibinahagi rin ng isang lokal na bumbero na malakas ang tunog ng nagliliyab na mga puno habang patuloy na kumakalat ang apoy at usok sa lugar.

Advertisement

Ayon sa mga eksperto, ang mas tuyong panahon tuwing taglamig ay nagpapataas ng panganib ng wildfire sa Japan. Matatandaang isang malaking sunog din ang naganap sa Iwate noong nakaraang taon, na itinuturing na pinakamalala sa loob ng mahigit kalahating siglo.

Advertisement