Naglatag ng malawakang hakbang ang House of Representatives of the Philippines sa pamumuno ni Speaker Bojie Dy sa pamamagitan ng pagbuo ng 13 komite upang bumalangkas ng “comprehensive package” laban sa tumataas na presyo ng petrolyo.
Ayon kay Miro Quimbo, Chairperson ng House Ways and Means Committee at kinatawan ng Marikina, layunin ng hakbang na magkaroon ng organisado at sabayang tugon ang pamahalaan sa krisis sa enerhiya.
Ipinaliwanag ni Quimbo na dalawang pangunahing estratehiya ang tututukan ng mga komite: ang pagbibigay ng agarang tulong tulad ng supplemental budget para sa mga apektadong sektor, at ang pagpapatibay ng pangmatagalang kakayahan ng ekonomiya upang makabangon sa mga ganitong krisis.
Itinakda ang unang pormal na pagdinig sa Abril 8 upang mapabilis ang pagpasa ng mga panukalang batas na makatutulong sa pag-ibsan ng epekto ng sigalot sa Middle East sa mga Pilipino.
Pinalawak ni Speaker Dy sa 13 komite ang bubuo sa isang “unified legislative response,” kung saan kabilang ang mga komite sa Energy, Agriculture, Foreign Affairs, Ways and Means, Labor, Transportation, ICT, Economic Affairs, Social Services, Trade and Industry, Overseas Workers Affairs, at Appropriations.
Dagdag pa ni Quimbo, nais ng liderato ng Kamara na magkaroon ng maayos na koordinasyon kasama ang mga economic managers ng ehekutibo sa halip na magturoan kung sino ang dapat sisihin sa krisis.
Sa kabila ng congressional break, tiniyak ni Quimbo na tuloy-tuloy ang kanilang trabaho at nagsasagawa na ng mga technical meetings bilang paghahanda sa nalalapit na pagdinig.
Binigyang-diin din ng mambabatas na bagama’t dulot ng external forces ang krisis, mahalagang maging handa ang bansa upang hindi bumagsak ang ekonomiya sa tuwing may kaguluhan sa pandaigdigang merkado.














