Iginiit ng liderato ng Kamara na dapat unahin ang proteksyon sa mga manggagawang Pilipino, middle class, at maliliit na negosyo upang mapanatili ang katatagan ng ekonomiya sa harap ng tumitinding krisis sa produktong petrolyo.
Sa ikatlong pagdinig ng Legislative Energy Action and Development (LEAD) Joint Committee na pinamumunuan ni Marikina City Rep. Miro Quimbo, ipinahayag ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang kahalagahan ng pagbibigay prayoridad sa mga sektor na direktang apektado ng pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay Quimbo, binigyang-diin ng Speaker na kailangang balansehin ang agarang tulong at pangmatagalang solusyon, hindi lamang para sa pinakamahihirap kundi pati sa mga manggagawa at negosyong nagpapatakbo ng ekonomiya.
Aniya, kapag tuluyang bumigay ang mga sektor na ito, posibleng mayanig ang kabuuang ekonomiya ng bansa.
Dagdag ni Quimbo, iniutos din ni Dy—na siya ring chairman ng House Committee on Ways and Means—na ituon ang mga talakayan sa mga sektor na may direktang epekto sa pang-araw-araw na buhay ng mamamayan.
Lumabas din sa mga nagdaang pagdinig na hindi kakulangan sa suplay ng langis ang pangunahing suliranin, kundi ang patuloy na paghina ng purchasing power ng mga Pilipino dahil sa tumataas na presyo ng bilihin.
Binigyang-diin ng mambabatas na ang pagtaas ng presyo ng langis ay nagtutulak din sa pagtaas ng presyo ng pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan, na unti-unting nagpapababa sa kakayahan ng mga pamilya na matustusan ang kanilang pang-araw-araw na gastusin.
Babala pa ni Quimbo, maraming nasa middle class ang hindi saklaw ng ayuda ngunit labis ding apektado ng krisis, at maaaring isang matinding dagok na lamang ang magtulak sa kanila pababa sa poverty line.














