Inaprubahan na ng House of Representatives ang panukalang batas na naglalayong ibaba mula 60 tungong 56 taong gulang ang optional retirement age ng mga kawani ng gobyerno.

Nakakuha ang House Bill No. 10995 ng 209 boto pabor, walang tumutol at isa ang nag-abstain sa isinagawang botohan sa Kamara.

Sa ilalim ng panukala, maaaring magretiro sa edad na 56 ang isang government employee kung mayroon na itong hindi bababa sa 15 taong serbisyo sa pamahalaan at hindi tumatanggap ng buwanang pensiyon dahil sa permanenteng kapansanan.

Layunin ng panukalang batas na mabigyan ng pagkakataon ang mga kwalipikadong kawani na mas maagang magretiro at magamit ang kanilang mga benepisyo at naipong pera upang mas matutukan ang kanilang pamilya at personal na pangangailangan.

Advertisement

Ayon sa mga may-akda ng panukala, makatutulong din ito upang mabuksan ang mas maraming oportunidad para sa mga nakababatang empleyado na makakuha ng permanenteng posisyon o ma-promote sa mas mataas na tungkulin sa pamahalaan.

Umaasa naman ang mga may-akda na bibigyang-prayoridad din ng Senado ang panukala upang agad itong maipasa at maisabatas.

Kapag tuluyan itong naging batas, magiging opsyon na ang pagreretiro sa edad na 56 para sa mga kawani ng gobyernong makatutugon sa mga itinakdang kwalipikasyon.

Advertisement