Mariing itinanggi ng kampo ni Atty. Manases “Mans” Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte, ang ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na may umano’y ₱6.7 bilyong halaga ng “covered at suspicious” bank transactions na iniugnay sa kanya, ayon sa pagtalakay sa isang pagdinig sa House panel.

Ayon sa abogado ni Carpio na si Atty. Peter Paul Danao, mali at gawa-gawa lamang ang sinasabing bilyong pisong transaksyon.

“P6 billion is fake and a lie. Wala siyang ganong pera. It is fake and a blatant lie… Marites po yun, tsismis,” ani Danao, sabay paliwanag na ang inilabas ng AMLC ay kabuuang “transaction value” na pinagsama-sama lamang, at hindi aktwal na iisang halaga ng pera na pag-aari ni Carpio.

Giit pa ng kampo, posibleng lumabag sa karapatan ni Carpio ang paglalantad ng naturang impormasyon, at nagbabala sila na maaari rin umanong maapektuhan ang karapatan ng ibang mamamayan kung hindi ito mapipigilan.

Advertisement

Binanggit din ng isa pang abogado ni Carpio na si Atty. Neil Abayon na dapat umanong pairalin ang “walang pinipiling hustisya” sa Kongreso sa pagpapatupad ng batas.

Samantala, pinaalalahanan ng kampo ni Carpio ang media hinggil sa paggamit ng impormasyon mula sa AMLC reports, ngunit nilinaw na wala silang planong magsampa ng kaso laban sa mga mamamahayag.

“We’re just trying to caution you… medyo maghinay-hinay po tayo,” dagdag pa ni Danao.

Sa panig ng AMLC, iniulat sa pagdinig ng House panel ang naturang mga transaksyon bilang “covered at suspicious,” ngunit hindi pa naglalabas ng karagdagang detalye ang ahensya kaugnay ng isyu.

Advertisement